Nathaniel Naigan ( ADMIN)

Nathaniel Naigan ( ADMIN)

Search This Blog

Nathaniel Naigan

Nathaniel Naigan

Saturday, April 29, 2017

GREATEST VILLAIN OF ALL TIMES By: Nathaniel F. Naigan

GREATEST VILLAIN OF ALL TIMES
By: Nathaniel F. Naigan



Kamakailan lang ay binisita ako ng isang panaginip. Nasa gitna daw ako ng madugong sagupaan. Ngunit hindi ako ang bida sa pagkakataong yaon. Sa katunayan nga'y kalaban ko sila Captain Barbell, Darna, Super Inggo, Lastik Man, Super Islaw, Juan Dela Cruz, Krystala, Flash Bomba, Super Inday,  Agimat, Enteng Kabisote, Vultra, Gagamboy, Pedro Penduko, Kamandag, Kumander Bawang, Super Twins, Joaquin Bordado, mga Batang-X, Dragona at si Panday. Samantalang kaanib ko naman sa paghahasik ng lagim ang White Lady sa Balete, Valentina, Kamatayan, Maria Labo, Halimaw sa Banga, Chaka Doll, Lucia Joaquin, si Haring Hagorn at ang mga Hathor sa Encantadia, Mga Ravena na kalaban ng mga Mulawin, ang Anak ni Janice, mga kapre, itim na dwende, baklang tikbalang, ang haggard na aswang, mga drug lords, mga terorista at mga pusang inaatake ang tinatago nating ulam sa kalaliman ng gabi.

Habang nakikipaglaban ay naisip kong maaari pala tayong gumawa ng isang grupo ng mga Pinoy Superheroes at Pinoy Super Villains na maaaring ipangtapat sa mga fictional characters ng mga banyagang bansa (kahit na karamihan ay kaparehas ng itsura at kapangyarihan sa mga superheroes ng DC at Marvel comics).

Sa huli'y natalo kami, hindi nagwagi ang mga kampon ng kadiliman. Narinig ko pang nagsihiyawan sa saya ang mga nanonood sa laban na para bang nanalo na naman si Manny "Pacman" Pacquiao laban sa isa na namang kampeon na Mexican boxer.

Kung si Batman at Deadpool ang paborito kong fictional characters sa comics, may mga paborito rin akong villains: si Joker at si Thanus.

"Why so serios?," pakiramdam ko'y bumubulong sa akin si Joker sa tuwinang nakabusangot ang aking napakapangit na mukha dahil sa pinaghalo-halong stress sa trabaho, kakapusan sa pera, sobrang bagal na daloy ng trapiko, polusyon at dahil na rin sa pagtubo na naman ng mga aking tagyawat.

Tulad ni batman ay wala ring kapangyarihan ang henyong payaso ngunit tinagurian na syang GREATEST VILLAIN OF ALL TIMES. Alam nyo bang tulad ng Justice League ay may grupo o asusasyon din ang mga makapangyarihang kontrabida sa DC comics? At sa tuwinang magkakaroon sila ng pagpupulong ay hindi nila iniimbitahan si Joker dahil kinakatakutan nila ito. Ang mga super villains na may super powers ay nangangatog ang tuhod sa tuwing naririnig ang pangalan ng mahinang payaso. Ngunit tulad sa totoong buhay ay may kahinaan din si Joker at yan ay ang pagmamahal nya kay Harley Quinn. KILIG MUCH!!! Mas napatunayan ko tuloy na ang kahinahan talaga ng mga lalaki ay mga babae. Kaya kayong mga babae, wag nyo namang samantalahin ang kahinaan namin. Hehe.
Paborito kong qoutes ni Joker ay ang “They need you right now, but when they don’t, they’ll cast you out like a leper!” na nagsasaad ng reyalidad na VIP ka lang sa paningin ng mga taong nakapaligid sayo kung may kailangan sila. Pero kung wala na, isa ka nalang kapirasong basura na itatapon nalangbkung saan-saan. Hustisya! May proper waste management system na! I-segrigate ang mga biodegradable at non-biodegradable. Kung may kaibigan kayong masyadong mapapel, sa biodegradable nyo itapon. Kapag may kaibigan kayong plastik, sa non-biodegradable nyo itapon. As simpol as dat!

Madalas ko ring gamitin sa mga speech ko kapag may mga event ang “We stopped checking for monsters under our bed, when we realized they were inside us.” Tama! Pilit nating hinahanap ang kamalian sa iba na hindi iniisip na may sarili rin tayong kamalian na mas mali pa sa mali ng ibang taong nagkakamali. Naghahanap ka ng mga rason upang maipilit na ang iyong kapwa ay halimaw ngunit tingnan mo ang iyong sarili. Baka nga mas masahol ka pa sa mga halimaw na tinuturing mong napaka-sahol. Tama! May mga halimaw sa loob natin na habang maaga pa'y kailangan nating puksain.

Isa pa sa mga paborito kong super villain ay si Thanus na syang kalaban naman ng Avengers, Guardians of the Galaxy at ni Dr. Strange na sana'y kilala nyo rin. Tagasakop ng sangkalawakan, yan si Thanos at ang nagbibigay sa kanya ng ibayong kakayahan ay ang Infinity Gauntlet, isang ginintuang glove na may anim na batong nakakabit. Ang mga batong ito ay ang Infinity Stones na may iba't ibang kulay at iba't ibang kakayahan.

Kung nasa kostodiya ko lang ang Infinity Gauntlet na yun ay gagamitin ko ang mga batong nakakabit dito hindi upang sakupin ang buong kalawakan kundi upang gumawa ng mas kapaki-pakinabang na mga bagay. Gagamitin ko ang ang mga bato upang maging si Darna... este gagamitin ko ang mga batong yun ayon sa kanilang kakayahan tulad ng mga sumusunod:


1. SOUL Stone-ang kulay berde na batong ito ay may kakayahang kontrolin ang mga kaluluwa, kunin man ito sa isang katawan o ibalik mula sa hukay. Hindi ko nanaising kumuha ng buhay ng kaluluwa lalo na ng mga walang kwentang tao na ang tanging ambag lamang sa siyudad ay kriminalidad at katiwalian. Sahalip ay muli kong bibigyan ng buhay ang mga sanggol o magiging sanggol pa lamang sana ngunit ipinalaglag at itinapon lang sa mga basurahan hindi upang maging tiyanak sila bagkus ay makamtan nila ang karapatang masilayan ang mundong ibabaw, karapatang ipinagkait sa kanila ng mga makasalanang magulang. Muli kong ibabalik ang kaluluwa ng mga bayaning minsan nang naging instrumento upang makamtan ang kasarinlang animo'y wala nang halaga sa kasalukuyan para sa iba. Huhugitin ko mula sa kalangitan ang pambansang bayani na si Pepe nang sa gayo'y saba'y naming isusulat ang karugtong ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo na ipambabato namin sa bagong henerasyon. Muli kong bubuhayin ang mga myembro ng SAF 44 na namatay sa engkwentro sa Mamasapano at ang mga kabaro kong personalidad ng medya na pinagpapapatay ng pinaghihinalaang mga tao ng mga Ampatuan. Sana. Sana. Sana lang ay hindi maging Walking dead, World War Z, Resident Evil at Zombie Land ang tema ng Pilipinas kung gamitin ko ang SOUL Stone. Hehe.
2. REALITY Stone-ang kulay dilaw na batong ito nama'y kayang imanipula ang kalagayan ng utak mula sa pangarap patungo sa reyalidad. Masaya siguro kung bawat pulubing natutulog sa tabi ng mga lansangan ay magkaroon ng sariling tahanan. Maginhawa siguro kung ang matrikula sa mga paaralan at mga gamot sa pagamutan ay hindi nakakabutas ng pitaka. Mas nakakatuwa marahil kung ang aatupagin ng mga iniluklok nating mga opisyales sa pamahalaan ay ang pagbigay ng serbisyo, proyekto at mga polisiyang mas mapapakinabangan ng lipunan at hindi puro personalang bangayan. Mainam siguro kung walang bibili't magpapabili ng sagradong boto at walang dayaan sa bawat halalan. Kayganda pagmasdan ng mundong luntian at hindi puro kahong bato na nagtataasan. Lahat ng mga iyan ay nais kong maging makatotohanan. Isang pangarap, malaking pangarap. Ngunit paano kung ang imposibleng pangarap ay maisasakatuparan gamit lang ang isang bato?

3. TIME Stone-ang kulay orange na batong ito'y kaya kang ibalik sa nakaraan at dalhin sa hinaharap. Kung mayrun ako nito, gagamitin ko ito upang bumalik sa nakaraan upang muli kong matunghayan ang mga pangyayari sa buhay ko dati hindi upang may baguhin dahil sa mga memoryang yaon nagmula ang ediyolohiya ko ngayon. Nais kong makita ang reaksyon ni mama at papa nung ako'y isinilang nung madaling araw sa ika-pito ng abril taong 1993 sa Batasan Hills, Quezon City. Nais kong balikan ang mga araw na masaya akong nakikipaglaro sa mga kababata ko. Mga panahaong walang problema sa trabaho, bayarin sa tubig at kuryente, mataas na buwis, pagtaas ng presyo ng langis, pulitika at terorismo. Nais kong muling masilayan ang inosente kong mukha sa tuwing nakaka-shoot ng bola si Sakuragi ng Slum Dunk, sa tuwing natatalo ni Son Gokou ng Dragon Ball, Gon ng Hunter X Hunter, Recca ng Flame of Recca at Eugene ng Ghost Foghter ang kani-kanilang mga kalaban. Nais kong makita ang pawisang bata na ako na naglalaro ng football, piko, maiba-taya, tagu-taguan, yoyo, mini-text, beyblade at Yu-Gi-Oh duel cards. Nais kong makita ang namumula kong maitim na mukha sa tuwing nakikita ko ang crush ko nung hayskul. Nais kong muli na mag-organisa ng mga seminar, team building activities, quiz bee, singing contest, pageant, dula-dulaan, intramurals at iba pang mga aktibidad sa kabila ng kaalamang medyo napabayaan ko ang pag-aaral ko sa kolehiyo dahil sa mga extra-cullicular activities. Marami rin akong pangit na mga nakaraan na nais kong balikan pero hindi ko babaguhin kung bigyan man ako ng pagkakataon. Dahil ang aking nakaraan ang mga pahina ng libro ng aking buhay. Mapunit o mawala man ang kahit isang pahina'y kulang na ang kwento ng aking libro na puno ng kalokohang aral.

4. MIND Stone-ang kulay bughaw na batong ito ay maaaring mabigyan ng kakayahan ang sino mang may hawak ng abilidad na makabasa o kontrolin ang utak ng mga nilalang sa buong kalawakan. Gagamitin ko ito upang gabayan ang isipan ng mga motorista upang maging responsable sa pagmamaneho ng kanilang mga sasakyan nang sa ganun ay wala nang aksidente o mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsada. Isa marahil sa mga hadlang sa pag-abante ng ating bansa ay ang mga pader na bumabalot sa bawat lider magmula sa baranggay hall, municipal hall, city hall o maging ng Malacañang. Kung ako 'y magiging kapitan, konsehal, alkalde o bise alkalde, bokal, gobernador o bise gobernador, kongresista o maging presidente ng Republika ng Pilipinas at gagamitin ko itong bato ay maaari kong marinig ang inahing ng bawat Juan Dela Cruz, maririnig ko ang hikbi ng mga pamilyang kumakalam ang sikmura, mababasa ko ang punto de vista ng mga mag-aaral na nagsisiksikan sa maliit na kahon ng posporong walang sapat na silya at aklat, matatanto ko ang damdamin ng mga lokalidad na sinalanta ng malalakas na bagyo at biktima ng mga lindol, maririnig ko ang bawat hagulgol ng mga inosenteng mamamayan na naiipit sa mala-forever na mga bakbakan sa pagitan ng mga militar ng pamahalaan at mga makakaliwa. Kung meron ako ng batong ito ay dudurugin ko't ipapamahagi ko sa mga pinuno ng bawat opisina ng gobyerno.

5. SPACE Stone-ang kulay ube na batong ito ay may kakayahan namang kontrolin ang distansya at mga elementong bumubuo sa bawat distansya. Kung meron lang sana ako nito'y makakapunta ako sa mga lugar na nais kong puntahan. Hindi ko na kailangang mabwesit sa mabagal na daloy ng trapiko sa pagpasok sa trabaho. Madadala ko na rin ang pamilya ko sa Eiffel Tower ng Paris, Pyramid of Giza ng Egypt at Statue of Liberty ng USA. Pero mas uunahin ko paring bisitahin ang Luneta Park, Cagsawa Ruin at Mayon Volcano ng Albay, mga butanding at mga hot spring ng Sorsogon, Boracay Island ng Aklan, Enchanted River ng Surigao, Crystal Cave ng Palawan at pupuntahan ko rin Spratly Island sa West Philippines Sea upang ibandila ang watawat ng Pilipinas sabay papalayasin ang mga banyagang umaangkin sa teritoryong dapat ay sa atin. Aaraw-arawin ko rin tiyak ang pagbisita sa mga pinaka-masayang lugar sa buong mundo tuwing tanghalian, ang studio ng Eat Bulaga ng GMA at Its Showtime ng ABS-CBN. Ang sarap siguro ng pakiramdan kung may Space Stone ako.

6. POWER Stone-ang kulay pulang batong ito ay may kakayahang magbigay ng ibayong lakas sa sino mang may hawak nito at ibahagi ang lakas sa kapwa. Kung meron ako ng ganitong bato ay gagamitin ko ito para bigyan ng lakas ang mga taong nanghihina na dahil sa tila wala nang katapusang pagsubok ng buhay. Bibigyan ko ng lakas ang mga nawawalan na ng pag-asa. Bibigyan ko ng lakas ang sambayanan para malagpasan ang mga krisis ng ating bansa.

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Nathaniel Naigan

Nathaniel Naigan