KWERDAS NG GITARA
By: Naigan Nathaniel
Yun tila bagang nais mo talagang makapa ang tamang kwerdas ng pakikidigma upang makamtan ang masayang ritmo at indayog ng buhay. Makagawa ng magandang tunog mula sa bitbit mong instrumento at makapagbahagi ng makapagbagbag damdaming musika ng kaligayahan, pagkakaisa, pagkakaintindihan at pagmamahalan. Oo nga’t nahihirapan kang pag-aralan kung paano ito maisasagawa.
Pilit na itanim sa mga pagal nating diwa ang mahiwagang nota ng kaunawaan. May mga bagay na nahihirapan kang matutunan. Ganun talaga. Tama, may mga bagay talagang nahihirapan kang matutunan.
Ngunit nawa’y patuloy mo pa ring mahalin ang pag-iinsayo nang sa gayo’y gamit ang iyong kalinangan ay dumating ang araw na sabay sabay na tayong iindayog sampu ng mga musikerong mamamayan ng ginigiliw nating bansang kasalukuyang nasa kasulasulasok na intablado ng paghihikahos at nakikipagbuno sa mga hagupit ng mga manood na hayok sa kasiyahang di naman nga nila pinaghirapan ay hinihusgahan at pinagtatawanan pa.
-Nathaniel Naigan