TOP 14 QUESTIONS sa JOB INTERVIEW
By: Nathaniel F. Naigan
Ilan na nga ba ang mga aplikanteng naging kaibigan ko?
Marami na. Ang iba nga'y nila-like pa at nagko-komento pa sa mga post ko sa
facebook, twitter at instagram. Teka, kung ang 1 kilogram ay may 1,000 grams,
gaano kaya karaming grams mayroon ang isang instagram bukod pa ang sa program
at diagram?
Pagkatapos ng bawat pakikipag-usap ko sa mga aplikante lalo
na sa mga hindi nakapasa sa kwalipikasyon sa mga bakanteng trabaho ay
nagbibigay ako ng mga payo sa kung paano ba ang tamang pagsagot sa mga
tradisyunal na pamatay na katanungan ng mga kompanya sa tuwing job interview.
Narito ang ilang mga tanong at kung paano ito masasagutan ng maayos:
1. TELL SOMETHING ABOUT YOURSELF
Ang sagot dito ay depende sa king anong uri ng kumpanya ang
nais mong pasukan. Madalas ay gusto nilang mahalukay ang iyong pagkatao bukod
sa mga nakasaad sa iyong resume. Dito rin nila tutukuyin kung saang trabaho ka
nababagay. Kung utal kang magsalita ay malalaman agad nilang hindi angkop sa'yo
ang mga posisyong kinakailangan humarap at makipag-usap sa mga klayente o sa
mga kostumer. Kung sakaling call center ang trabahong sinusubukang pasukin ay
mahigpit na kikilatisin nila ang iyong galing sa pagsasalita gamit ang
lengwaheng Ingles, pagsasaayos ng pangungusap at kung paano mo bibigkasin ang
bawat kataga sa bawat pangungusap. Huwag mo rin i-kwento sa kanya ang
pagmamay-ari mong Toyota, walong palapag na tahanang nakatirik sa hacienda
nyong may malawak pa sa Hacienda Luisita at kung ilan ang Rolex na relong kaya
mong ipamudbod sa mga pulubi. Tandaan: job interview ang kinasasadlakan mo at
hindi declaration of SALN.
2. WHAT ARE YOUR STRENGHTS?
Kailangan mo lang magbanggit ng kaya mo sa mapagkumbabang
pamamaraan tulad ng "Kaya kong tapusin ang trabaho kahit malayo pa ang
deadline" o "Kaya kong sumayaw ng Pantomina habang nasa ibabaw ng
magma ng Bulkang Mayon". Paalala: Hindi na kailangang ipagyabang na mas
malakas ka kay Hercules o Ephicles ng Roman Mythology.
3. WHAT ARE YOUR WEAKNESSES?
Magsasaad ka ng kahinaan. Aminin mo. Lahat tayo ay may
Achilles heel. Pero siguraduhing ihabol ang pagpapahiwatig na may ginagawa ka
upang burahin sa iyong sistema ang kahinaang yaon. Halimbawa,"Mahina po
ako sa Microsoft Excel. Pero may tutorial po kami at kasalukuyang nasa huling
kabanata na kami ng leksyon".
4. WHY DID YOU APPLYIN THIS COMPANY?
Mas madalas pa sa aking pangungulangot ang pagsagot ng mga
aplikante na "Kaya po ako nagbabakasakaling makapasok sa inyong kumpanya
ay upang magkapera at makatulong sa pamilya". Tama naman. Pera ang isa sa
pinakamahalagang bagay upang umunlad at makatulong sa mga mahal natin sa buhay.
Yan ang pinaka-makabagbag damdaming sagot sa tanong na 'yan. Pero madalas na
magbabago ang reaksyon ng nagtanong na para bang sinasabing,"SABI KO NA
NGA BA EH!". Parang awitin sa mga radyo na paulit-ulit lang pinapatugtog.
Nakakasawa. Higit sa ano pa man ay hinihintay ng kumpanya ang kasagutang
magbibigay liwanag sa kanilang kaisipan kung ano ang maitutulong ng isang
aplikante upang mas lumago pa ang kumpanya. Anong magiging silbi mo sa kanila?
Pwede mong sabihin na "Kaya po ako nag-a-apply sa kumpanyang ito bilang
tagaluto ay dahil magaling akong magluto. Masarap daw po ang aking Shrimped
Snail na sa tagalog ay Hinipong Suso". Ipaalam mo sa kanila na ang
posisyong nais mong pasukan ay swak sa iyong galing at interes.
5. WHY SHOULD WE HIRE YOU?
Bukod sa gustong malaman ang personalidad mo ay nais din
nilang malaman kung ang ilalahad mong katangian mo ay magiging ASSET ba nila o
LIABILITY lang. Ito ang pinaka-sensetibong katanungan na mas sensetibo pa sa
dalagang may buwanang dalaw.
6. WHY DID YOU LEAVE YOUR LAST JOB?
Wag ka nang mag-kwento ng kung anu-anong chechebureche.
Gusto lang nila malaman ang rason ng paglisan mo sa dating pinasukan mo. Huwag
mahaba ang sagot dahil magmumukha kang defensive lalo na kung pinatalsik ka o
wala kang maipakitang certificate of employment. Kung sakaling nag-resign ka at
wala ka namang bad record ay mas mabuti. Basta't siguraduhin mo lang na pawang
katotohanan ang iyong ilalahad dahil may ilang kumpanya na nagsasagawa muna ng
pagsasaliksik bago tanggapin ang isang aplikante.
7. HOW DO YOU HANDLE STRESS AND PRESSURE?
Ipamukha mo sa nagtatanong na hindi nakakasira ang ano mang
problema bagkus ay importante ito. Marami akong nakatrabaho na mas mabilis
kumilos kapag malapit na ang palugit sa kanila ng amo nila. Ako mismo ay mas
gusto ang ganun. May challenge. Kumbaga, sili na nagpapaanghang sa Bicol
Express. Bakit walang Tagalog Express o Bisaya Expresa, nagluluto rin naman
sila ng ganun huh?
8. DO YOU HAVE PENDING APPLICATIONS IN OTHER COMPANIES?
This question is answerable by YES or NO. Pero madalas
negatibo ang resulta kapag YES ang sagot.
9. HOW DO YOU HANDLE CRITISM?
Peraonalidad ang tutusukin dito. Kailangang positibo ang
sagot. Dapat na isupalpal mo sa nagtatanong na masama man o mabuti ang
kritisismo sa'yo ng mga kliyente, kapwa manggagawa o mga taong mas mataas ang
posisyon ay kakayanin mong tanggapin at gamitin upang mas mapaunlad ang sarili.
10. GIVE A DIFFICULT WORK SITUATION AND TELL US HOW YOU
OVERCOMED IT.
Alalahanin mo muna ang mga problema at kung paano mo
nasolusyunan bago mo i-kwento upang hindi ka mautal at upang mas malinaw ang
pagbahagi mo ng kwento. Pwede mong sabihin na may ibinigay sa iyong biglaan
trabaho at kailangang matapos mo ito bago matapos ang office hour. Ilahad mo
kung paano mo ginamit ang pinaghaong diskarte at time management. Madalas na
gamitin dito ang PARADE o STAR method. Ipapasama ka sa parada at isasabit ka
nila patiwarik sa ere na parang bituing walang ningning. Hahaha. Last joke ko
na yun. Peksman, mamatay man ang mga salot na protektor ng mga droga sa buong
Pilipinas. Ang Problem-Anticipated consequence-Role-Action-Decision-End result
(P.A.R.A.D.E.) method at Situation-Task-Action-Result (S.T.A.R.) method.
11. HOW MUCH IS YOUR EXPECTED SALARY?
Dito mapagtatanto ng nagtatanong kung naaayon ba sa halaga
mo ang halagang maaari nilang ilagay sa pitaka mo. Madalas ay pasado ang mas
mababa ang hinihingi. Nakabatay din dapat ang sagot mo sa kung ano na ang
napatunayan mo. Kung fresh graduate ka palang, huwag kang magsusuot ng price
tag na hindi akma sa fresh graduate. Una, wala ka pang napatunayan. Pangalawa,
wala ka pang napapatunayan. Fresh graduate ka man ng FEU, UP o Harvard ay wala
ka pang napapatunayan.
12· ARE YOU WILLING TO WORK OVERTIME? NIGHTSHIFT?
Para sa mga taong labis ang pangangailangan sa pera ay pabor
ito kaya't walang patumpik-tumpik pa boom karakaraka na OO ang isasagot. Ngunit
kung ordinaryong tao na nagnanais na maging ordinaryong empleyado na may
ordinaryong oras ng trabaho't pahinga ay mag-aalangan ka. Kung tinadtad mo na
sila ng libong palusot ay siguradong bagsak ka na.
13· WHAT DO YOU KNOW ABOUT THIS COMPANY?
Hindi naman kailangang magpaka-Ernie Baron ka at isalaysay
ang kwento ng kumpanya simula ng ito'y itatag hanggang sa kung paano itong
mabubura dahil sa pagkagunaw ng daigdig ayon kay Nustradamus. Kahit unti lang
ay sapat na. Sinubukan lang nila kung kinilala mo sila na pabor nga sa'yo dahil
bukod sa mga Google application na sa cellphones ay malalaman mo agad kung
legal pa o scam lang ang kumpanya. Kung legal, gora lang bestie. Kung sa tingin
mo'y scam, huwag ka nang tumuloy dahil huhuthutan ka lang nyan ng pera tulad ng
paghuthot ng mga macho dancer sa mga baklang patuloy na umaasa na magmahal at
mahalin.
14· DO YOU HAVE ANY QUESTION?
Pinakahuling tanong. Upang matapos na ang usapan at upang
ipagsigawang mas matalino sila kay Albert Einstein, madalas na "Wala na
po" ang sagot ng mga aplikante. Pero kung iisipin, ang pagsagot ng
"Wala na po" sa tanong na "Do you have any question?" ay
mali. Dapat ay magtanong sa kumpanya para maramdaman nilang interesado ka
talagang maging bahagi nila. Dito rin binibigayang pagkakataong magtanong upang
paglabas mo'y hindi ka na magtatanong sa kapwa mo aplikante na baka hindi rin
alam ang sagot o kung alam man ay hindi ka sagutin. Tulad mo'y aplikante din
sila at kaagaw ka nila sa posisyon. Paligsahan. Kaya mas malabo pa sa mata ng
matandang bulag na niligtas ni Super Tindero ang posibilidad na bahagian ka nya
ng tamang impormasyon.