TOP 14 QUESTIONS sa JOB INTERVIEW
By: Nathaniel F. Naigan
Ilan na nga ba ang mga aplikanteng naging kaibigan ko? Marami na. Ang iba nga'y nila-like pa at nagko-komento pa sa mga post ko sa facebook, twitter at instagram. Teka, kung ang 1 kilogram ay may 1,000 grams, gaano kaya karaming grams mayroon ang isang instagram bukod pa ang sa program at diagram?
Pagkatapos ng bawat pakikipag-usap ko sa mga aplikante lalo na sa mga hindi nakapasa sa kwalipikasyon sa mga bakanteng trabaho ay nagbibigay ako ng mga payo sa kung paano ba ang tamang pagsagot sa mga tradisyunal na pamatay na katanungan ng mga kompanya sa tuwing job interview. Narito ang ilang mga tanong at kung paano ito masasagutan ng maayos:
1. TELL SOMETHING ABOUT YOURSELF
Ang sagot dito ay depende sa king anong uri ng kumpanya ang nais mong pasukan. Madalas ay gusto nilang mahalukay ang iyong pagkatao bukod sa mga nakasaad sa iyong resume. Dito rin nila tutukuyin kung saang trabaho ka nababagay. Kung utal kang magsalita ay malalaman agad nilang hindi angkop sa'yo ang mga posisyong kinakailangan humarap at makipag-usap sa mga klayente o sa mga kostumer. Kung sakaling call center ang trabahong sinusubukang pasukin ay mahigpit na kikilatisin nila ang iyong galing sa pagsasalita gamit ang lengwaheng Ingles, pagsasaayos ng pangungusap at kung paano mo bibigkasin ang bawat kataga sa bawat pangungusap. Huwag mo rin i-kwento sa kanya ang pagmamay-ari mong Toyota, walong palapag na tahanang nakatirik sa hacienda nyong may malawak pa sa Hacienda Luisita at kung ilan ang Rolex na relong kaya mong ipamudbod sa mga pulubi. Tandaan: job interview ang kinasasadlakan mo at hindi declaration of SALN.
2. WHAT ARE YOUR STRENGHTS?
Kailangan mo lang magbanggit ng kaya mo sa mapagkumbabang pamamaraan tulad ng "Kaya kong tapusin ang trabaho kahit malayo pa ang deadline" o "Kaya kong sumayaw ng Pantomina habang nasa ibabaw ng magma ng Bulkang Mayon". Paalala: Hindi na kailangang ipagyabang na mas malakas ka kay Hercules o Ephicles ng Roman Mythology.
3. WHAT ARE YOUR WEAKNESSES?
Magsasaad ka ng kahinaan. Aminin mo. Lahat tayo ay may Achilles heel. Pero siguraduhing ihabol ang pagpapahiwatig na may ginagawa ka upang burahin sa iyong sistema ang kahinaang yaon. Halimbawa,"Mahina po ako sa Microsoft Excel. Pero may tutorial po kami at kasalukuyang nasa huling kabanata na kami ng leksyon".
4. WHY DID YOU APPLYIN THIS COMPANY?
Mas madalas pa sa aking pangungulangot ang pagsagot ng mga aplikante na "Kaya po ako nagbabakasakaling makapasok sa inyong kumpanya ay upang magkapera at makatulong sa pamilya". Tama naman. Pera ang isa sa pinakamahalagang bagay upang umunlad at makatulong sa mga mahal natin sa buhay. Yan ang pinaka-makabagbag damdaming sagot sa tanong na 'yan. Pero madalas na magbabago ang reaksyon ng nagtanong na para bang sinasabing,"SABI KO NA NGA BA EH!". Parang awitin sa mga radyo na paulit-ulit lang pinapatugtog. Nakakasawa. Higit sa ano pa man ay hinihintay ng kumpanya ang kasagutang magbibigay liwanag sa kanilang kaisipan kung ano ang maitutulong ng isang aplikante upang mas lumago pa ang kumpanya. Anong magiging silbi mo sa kanila? Pwede mong sabihin na "Kaya po ako nag-a-apply sa kumpanyang ito bilang tagaluto ay dahil magaling akong magluto. Masarap daw po ang aking Shrimped Snail na sa tagalog ay Hinipong Suso". Ipaalam mo sa kanila na ang posisyong nais mong pasukan ay swak sa iyong galing at interes.
5. WHY SHOULD WE HIRE YOU?
Bukod sa gustong malaman ang personalidad mo ay nais din nilang malaman kung ang ilalahad mong katangian mo ay magiging ASSET ba nila o LIABILITY lang. Ito ang pinaka-sensetibong katanungan na mas sensetibo pa sa dalagang may buwanang dalaw.
6. WHY DID YOU LEAVE YOUR LAST JOB?
Wag ka nang mag-kwento ng kung anu-anong chechebureche. Gusto lang nila malaman ang rason ng paglisan mo sa dating pinasukan mo. Huwag mahaba ang sagot dahil magmumukha kang defensive lalo na kung pinatalsik ka o wala kang maipakitang certificate of employment. Kung sakaling nag-resign ka at wala ka namang bad record ay mas mabuti. Basta't siguraduhin mo lang na pawang katotohanan ang iyong ilalahad dahil may ilang kumpanya na nagsasagawa muna ng pagsasaliksik bago tanggapin ang isang aplikante.
7. HOW DO YOU HANDLE STRESS AND PRESSURE?
Ipamukha mo sa nagtatanong na hindi nakakasira ang ano mang problema bagkus ay importante ito. Marami akong nakatrabaho na mas mabilis kumilos kapag malapit na ang palugit sa kanila ng amo nila. Ako mismo ay mas gusto ang ganun. May challenge. Kumbaga, sili na nagpapaanghang sa Bicol Express. Bakit walang Tagalog Express o Bisaya Expresa, nagluluto rin naman sila ng ganun huh?
8. DO YOU HAVE PENDING APPLICATIONS IN OTHER COMPANIES?
This question is answerable by YES or NO. Pero madalas negatibo ang resulta kapag YES ang sagot.
9. HOW DO YOU HANDLE CRITISM?
Peraonalidad ang tutusukin dito. Kailangang positibo ang sagot. Dapat na isupalpal mo sa nagtatanong na masama man o mabuti ang kritisismo sa'yo ng mga kliyente, kapwa manggagawa o mga taong mas mataas ang posisyon ay kakayanin mong tanggapin at gamitin upang mas mapaunlad ang sarili.
10. GIVE A DIFFICULT WORK SITUATION AND TELL US HOW YOU OVERCOMED IT.
Alalahanin mo muna ang mga problema at kung paano mo nasolusyunan bago mo i-kwento upang hindi ka mautal at upang mas malinaw ang pagbahagi mo ng kwento. Pwede mong sabihin na may ibinigay sa iyong biglaan trabaho at kailangang matapos mo ito bago matapos ang office hour. Ilahad mo kung paano mo ginamit ang pinaghaong diskarte at time management. Madalas na gamitin dito ang PARADE o STAR method. Ipapasama ka sa parada at isasabit ka nila patiwarik sa ere na parang bituing walang ningning. Hahaha. Last joke ko na yun. Peksman, mamatay man ang mga salot na protektor ng mga droga sa buong Pilipinas. Ang Problem-Anticipated consequence-Role-Action-Decision-End result (P.A.R.A.D.E.) method at Situation-Task-Action-Result (S.T.A.R.) method.
11. HOW MUCH IS YOUR EXPECTED SALARY?
Dito mapagtatanto ng nagtatanong kung naaayon ba sa halaga mo ang halagang maaari nilang ilagay sa pitaka mo. Madalas ay pasado ang mas mababa ang hinihingi. Nakabatay din dapat ang sagot mo sa kung ano na ang napatunayan mo. Kung fresh graduate ka palang, huwag kang magsusuot ng price tag na hindi akma sa fresh graduate. Una, wala ka pang napatunayan. Pangalawa, wala ka pang napapatunayan. Fresh graduate ka man ng FEU, UP o Harvard ay wala ka pang napapatunayan.
12· ARE YOU WILLING TO WORK OVERTIME? NIGHTSHIFT?
Para sa mga taong labis ang pangangailangan sa pera ay pabor ito kaya't walang patumpik-tumpik pa boom karakaraka na OO ang isasagot. Ngunit kung ordinaryong tao na nagnanais na maging ordinaryong empleyado na may ordinaryong oras ng trabaho't pahinga ay mag-aalangan ka. Kung tinadtad mo na sila ng libong palusot ay siguradong bagsak ka na.
13· WHAT DO YOU KNOW ABOUT THIS COMPANY?
Hindi naman kailangang magpaka-Ernie Baron ka at isalaysay ang kwento ng kumpanya simula ng ito'y itatag hanggang sa kung paano itong mabubura dahil sa pagkagunaw ng daigdig ayon kay Nustradamus. Kahit unti lang ay sapat na. Sinubukan lang nila kung kinilala mo sila na pabor nga sa'yo dahil bukod sa mga Google application na sa cellphones ay malalaman mo agad kung legal pa o scam lang ang kumpanya. Kung legal, gora lang bestie. Kung sa tingin mo'y scam, huwag ka nang tumuloy dahil huhuthutan ka lang nyan ng pera tulad ng paghuthot ng mga macho dancer sa mga baklang patuloy na umaasa na magmahal at mahalin.
14· DO YOU HAVE ANY QUESTION?
Pinakahuling tanong. Upang matapos na ang usapan at upang ipagsigawang mas matalino sila kay Albert Einstein, madalas na "Wala na po" ang sagot ng mga aplikante. Pero kung iisipin, ang pagsagot ng "Wala na po" sa tanong na "Do you have any question?" ay mali. Dapat ay magtanong sa kumpanya para maramdaman nilang interesado ka talagang maging bahagi nila. Dito rin binibigayang pagkakataong magtanong upang paglabas mo'y hindi ka na magtatanong sa kapwa mo aplikante na baka hindi rin alam ang sagot o kung alam man ay hindi ka sagutin. Tulad mo'y aplikante din sila at kaagaw ka nila sa posisyon. Paligsahan. Kaya mas malabo pa sa mata ng matandang bulag na niligtas ni Super Tindero ang posibilidad na bahagian ka nya ng tamang impormasyon.